12274715_1042356782463103_5957515248704586118_n
Photo by Anne Suzette Torres

Nakaupo. Walang ibang ginagawa kundi titigan ang relo at bantayan ang oras. Nakatunganga. Maingay ang paligid.
Malamig na ang simoy ng hangin. Disyembre na pala kasi. Mag-papasko nanaman pala. Naku! Mag-papasko nanaman. Teka, ako lang ba ang ayaw sa okasyong ‘to? Ako lang ba ang naiingayan at nakukulitan sa paulit-ulit na pangangaroling ng mga bata t’wing gabi? Eh, ang sakit naman talaga sa tenga ng instrumentong gamit nila na yari sa tansan, ‘di ba? Hindi ba’t nakakahilo naman talaga ang mga patay-sinding Christmas light na ‘yan? Eh, ako lang ba ang pipiliin na patayin ang alarm clock at matulog na lang kesa gumising ng maaga para mag-simbang gabi? At saka totoo namang nakakalungkot pakinggan ang mga Christmas song na tila ba pinapaalala sa atin ang nakaraan, ‘di ba?


Oo. Nakaraan. Iyong mga panahon na uso pa si Santa Claus. ‘Yun bang mga panahon na hindi pa masakit sa mga mata ang Christmas light. ‘Yung mga oras na ako pa mismo ang naglalagay ng malaking star sa tuktok ng Christmas tree namin. ‘Yung mga gabing ako mismo ang magsasalang ng CD ng Christmas songs. ‘Yung mga madaling araw na sabay-sabay kaming gigising ng maaga para kumpletuhin ang simbang gabi. ‘Yung mga oras na nag-aabang kami ni Papa sa labas ng gate para sa mga batang mangangaroling. Pero ‘yung mga panahon na ‘yon? Malabo nang mangyari ulit ‘yon. Wala na, eh. Mananatiling alaala na lang at kailanma’y hindi na mauulit pa.


Ika-24 ng Disyembre taong 2005 nang isugod si Papa sa ospital. Mapaglaro ang tadhana, ‘di ba? ‘Yung makulay na Christmas lights ay unti-unting lumabo sa aking paningin. ‘Yung mga christmas songs ay wala rin ibang nagawa kundi dagdagan ang kabang nararamdaman ko. Kasabay ng mga naririnig kong paputok sa labas ay ang lakas ng pintig ng puso ko. Tila ba lalabas na ‘to sa dibdib ko at sasabog ano mang oras. Iritado rin ako ng makita ko ang naglalakihang parol sa loob ng ospital. Ganun pala ‘yon. Sa isang iglap lang eh ayaw ko na ng mga dating gustong-gusto ko. Oo, nakaraan na kung kaya’t ayaw ko na sanang maalala pa.. Pero wala, eh. Tuwing pasko, pinapaalala sa akin lahat. Parang bumabalik yung sakit kasama ang lungkot. Hindi ba’t ganun naman talaga? Normal lang na ayawan ko ang mga bagay na magpapaalala sa sakit na naramdaman ko.
Pasko? Sa susunod na lang siguro. Kapag naghilom na ‘yung sugat sa puso ko, kapag hindi na malabo ang paningin ko sa mga patay-sinding ilaw, kapag kaya ko nang pakinggan ang mga Christmas song, kapag handa na ‘kong maglagay ng bituin sa Christmas tree namin.. kapag okay na ang lahat. At kapag dumating na ang panahon na ‘yon, masasabi ko rin na Merry na ang Christmas ko. Kung kailan? Ewan. Hindi ko rin alam, eh. Baka sa susunod na taon. O baka sa mga darating pa pagkatapos nito. Pero sa ngayon, pass na muna ‘ko sa Pasko.

Advertisements